Online Journal 3: Pagsusuri sa tula ni Amado V. Hernandez
Inihahayag ng tulang “Kung Tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan” ang iba’t ibang uri ng paghihirap na dinanas at patuloy na dinaranas ng ating bayan sa kamay ng mga dayuhan.
Ipinapakita ng persona sa unang bahagi ng tula ang pagkawala ng ating sariling pagkakakilanlan; sa pamamagitan ng pagmamanipula sa ating wika at kasaysayan, at pagnanakaw ng ating lupa at kalayaan.
Mula sa paraan ng pagsasalita ng persona, maaaring masabi na siya’y isang Pilipino na nagnanais ng pagbabago. Isang pangkaraniwang tao ng ating bayan na mulat at nais magpamulat ng iba pa, upang maipalaganap at maipaintindi sa mga tao ang katotohanan na hinaharap ng ating bayan. Ipinapakita niya na ang paghihinagpis ay isang natural na tugon sa kawalan, subalit matapos ang paghihinagpis ay muling titindig at ipaglalaban ang nararapat na ipaglaban.
Klaro at maayos na naibahagi ng may akda ang kanyang mensahe, sa pamamagitan ng maingat na pagpili ng mga salita at ang natatanging pagpuputol niya ng mga linya. Nagkakaroon ito ng mas tiyak na rhythm, kaya’t mas tumatatak ang mga salita sa isipan ng mambabasa. Kapag binasa ang tula nang malakas, mas madaling mapapansin ang pagkakahati ng isang linya sa dalawang bahagi, at ang pagsasalamin ng dalawang bahagi na ito sa isa’t isa. Tila nagpapakita ito ng magkabilang panig, ang karanasan ng mga Pilipino na dulot ng banyaga. Makikita ang pattern na ito sa ilang bahagi ng tula tulad ng mga linyang:
“Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
Pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika,”“Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libingan;”
“Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:”“Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!”
Nakakadagdag din sa musicality ng tula ang pag-uulit ng ilang mga salita, na nakakapagbigay ng emphasis sa pagkakaiba ng mga panig sa dalawang bahagi ng mga linya.
Ang tugma naman ng tula ay nag-iiba sa bawat saknong, na nagtataguyod ng pagbabago sa pagitan ng pokus ng mga linyang nakapaloob sa mga ito. Nakakapagdagdag ang tugma sa layunin ng tula upang mangausap, sapagkat mas nahihigit at nadadala nito ang mambabasa.
Sa pangkalahatan, maliwanag kung bakit itinuturing na isang klasiko ang tulang ito. Mainam nitong naipakita ang hinagpis na napagdaanan ng ating bansa sa mga panahong lumipas pati na rin ang pag-asa na darating sa kabila ng lahat ng paghihirap. Naihatid ng tula ang mensaheng ito sa isang paraan na tatatak sa isipan ng mambabasa.