Online Journal 4: Pagsusuri sa ‘Walang Kalabaw sa Cubao’ ni Acosta at ‘The Gods We Worship Live Next Door’ ni Santos

Chelsea Elizabeth Naredo
5 min readNov 27, 2020

--

Bilang mga taong namumuhay sa isang third-world country, batid natin ang papel na ginagampanan ng antas ng lipunan sa kung paano natin namamataan ang mundong ating kinagagalawan. Naipakita sa dalawang tula ang mga obserbasyon at karanasan ng mga pangkaraniwang tao sa pang araw-araw nilang buhay; maging ito’y sa paligid ng mga naghaharing uri o sa interaksyon sa kapwa nila pangkaraniwang Pilipino.

Sa tula ni Acosta na ‘Walang Kalabaw sa Cubao’, maaaring sabihin na ang central metaphor na kanyang ginamit ay ang konsepto ng bukirin, na nagbibigay ng contrast sa city image ng Cubao na kanyang inilalarawan. Makikita sa mga linyang ito ang pagbibigay-diin sa paghahambing at pagkokonekta ng dalawang magkaibang konseptong ito:

‘Pero sa loob ng videokeng Fiesta Carnival
May mga kabayong baby-blue’

‘Naroon naman ang mga Tamaraw
FX na ngayo’y pastul-pastol
Ng mga kolorum na dispatser:’

Ang mga elementong ginamit sa mga linyang ito ay nagpapakita ng sense of familiarity sa bukirin na imahe, sa pag-mention ng mga hayop tulad ng kabayo at tamaraw, subalit nagkakaroon ng foreign touch kapag nababanggit na ang ibang katangian nito.

Ang tulang ito ay isang list poem, sapagkat inilalahad nito ang iba’t ibang uri ng lugar, tao, sitwasyon, at pangyayari na maaaring maobserbahan sa kalapitan ng Cubao. Naihahayag ng mga salita sa tula ang chaotic aspect ng pang araw-araw na buhay sa siyudad, at inilalantad nito ang dumi at problema sa sistema tulad ng drug use, child labor at kahirapan na naipakita sa susunod na mga linya:

‘Mga supot na sakristang simsim-
Simsim ang insenso ng tambutso,’

‘Ang inalmusal na rugby sa may 7–11'

Maaaring inihahambing ng unang linya ang mga sakristan sa mga batang nasa lansangan sapagkat nabibigyan ng mga salitang insenso ng tambutso ang imahe ng paligid na puno ng sasakyan. Naipapakita naman sa pangalawang linya ang pag kontra ng mahihirap sa gutom sa pamamagitan ng paggamit ng droga. Kinakatawan ng mga linyang ito ang realidad na hinaharap ng mga pangkaraniwang tao sa siyudad, partikular na ang mga mahihirap.

Sa huling parte ng tula, binanggit na walang kalabaw sa Cubao dahil ang Cubao mismo ang kalabaw, at sila ang nakadapong langaw. Sa aking interpretasyon, ang Cubao bilang kalabaw ay nagpapakita ng pagka ‘busy’ at kumabaga ‘unbothered’ ng lugar sa mga ‘langaw’ na dumadapo, na maihahambing sa natural response ng isang tunay na kalabaw sa mga magugulong langaw na pumapalibot sa kanya. Ang mga inilistang salita mula sa pangalawa hanggang pangapat na saknong ang tinutukoy na mga ‘langaw’ sapagkat ang mga elementong ito ang mga tao at pangyayaring makikitang gumagalaw sa paligid ng Cubao.

Maayos na naipakita ng tula mula sa isang omniscient point of view ang nais na iparating ng manunulat, dahil naihayag nito ang mga nararapat na maibunyag tungkol sa mga pangyayari at karanasan ng mga tao na pinag-uusapan sa tula.

Sa tula namang ‘The Gods We Worship Live Next Door’ ay naipapakita ang pagtingin ng mga normal na tao sa naghaharing uri. Nakadepende pa rin sa antas sa lipunan kung sino ang tinitingala ng isang tao bilang ‘naghaharing uri’ o ‘Gods’ na binanggit, na nagsisilbing central metaphor sa tulang ito.

Sa unang pagbasa pa lamang ng tula, mapapansin na kaagad ng mambabasa sa mga linyang ito na ang mga diyos o Gods sa tula ay mga tao lang din mula sa paghumanize ng kanilang mga katangian:

‘They’re brown
and how easily they catch cold sneezing’

‘In the cold months of fog and heavy rains
our gods die one by one and caskets golden’

Contrary sa belief ng ibang mga bansa at relihiyon na ang mga diyos ay imortal at hindi nagkakasakit, ipinapakita ng tulang ito ang pagka vulnerable ng mga ‘diyos’ sapagkat sila’y hindi naman talaga tunay na diyos, kundi mga tao lamang na may pera, status, at kapangyarihan. Ginamit ang mga salitang “cold months of fogs and heavy rains” upang mabigyan ng emphasis ang mga sakit at sakuna na nakakamatay din para sa mga diyos na kinikilala. Subalit, kahit pa man alam ng persona ang katangiang ito ng mga diyos, makikita pa rin sa mga linyang ito ang bulag na takot at pagsamba ng mga regular na tao sa kanilang kapwa sapagkat nakakaangat ang mga ito sa lipunang kanilang kinagagalawan:

‘Fear grips us when they frown
as they walk past our grim deformities
dragging with them the secret scent of love
bought by the ounce from gilded shops above
the rotunda of the bright cities.’

Subalit gaya nga ng nabanggit, ang mga diyos-diyosan na ito’y namamatay rin, ngunit napapalitan lamang ng panibagong mga diyos. Na-tackle ng tulang ito ang concept ng pagmamana ng kapangyarihan at kayamanan mula sa isang henerasyon papunta sa sumunod, na kinakatawan sa ating bansa ng mga political families. Maaaring ipinapakita ng tula na ang mahihirap ay mananatiling mahirap, takot, at sunud-sunuran sa mga ‘diyos’ na kanilang tinitingala sa paglipas ng ilan pang henerasyon.

Maayos na naipakita ng dalawang tula ang reality ng mga tao sa bansa na binubuo ng iba’t ibang pangyayari at karanasan. Kabilang na rito ang kanilang mga emosyon ng takot at paghihirap, na umiikot sa mga salita at elementong nababagay sa central metaphor na napili ng mga manunulat.

Ang pagtingin sa ‘kalabaw’ at ‘diyos’ bilang mga elementong tagapagpagalaw ng pang araw-araw na buhay ng mga tao ay maaari ding makita bilang tango sa aspeto ng lipunan natin na may control sa ating mga oportunidad at paniniwala. Ang dalawang tulang ito ay naglalaman ng konsepto ng relihiyon, na makikita sa tula ni Acosta sa pagbanggit ng mga santo at santa, na nagtatapos sa isang statement na borderline blasphemous. Ang pagmention naman ng diyos na sinasamba sa tula ni Santos ay nagbibigay-pansin din sa pagka relihiyoso ng mga Pilipino.

Magkaiba man ang point of view at pokus ng dalawang tula, pareho lamang ang vibe na naibibigay ng tema nila. Pareho nilang nailalahad ang experience na naipapakita through observation kaya’t mas madaling nakikita ng mambabasa ang nais na iparating na mensahe nito.

Maraming maaaring interpretasyon ang mga akda subalit ang mga puntong inilahad ko lamang ang aking mga importanteng napansin. Ang pagbibigay-diin sa ating karanasan at pagpuna sa sistemang may kinikilingan ay nararapat nating mas pagtuunan pa ng pansin upang makadulot ng pagbabago sa isang siklo na dehado ang mga taong hindi kabilang sa naghaharing uri.

--

--

Chelsea Elizabeth Naredo
Chelsea Elizabeth Naredo

Written by Chelsea Elizabeth Naredo

Unti-unting humahakbang papalayo sa mundong nakasanayan.

No responses yet