Online Journal 7: Pagsusuri sa Maikling Kuwentong ‘Eye Candy’”
Mayroong mga tiyak na pagkakataon sa buhay ng isang tao kung saan maaaring makaramdam ng pag-aalinlangan hinggil sa kasalukuyang lagay ng kanilang buhay. Muli nitong pinapalitaw ang mga katanungang minsan nang nasagot, subalit naghahanap ng panibagong paliwanag sa pangalawang pagkakataon. Maaari itong mag-ugat mula sa matinding pagnanais o inggit — ang hangarin na mapunan muli ang matagal nang naubos at ang kagustuhang maibalik ang kislap na matagal nang lumisan.
Sa kwentong ating susuriin ay susundan natin si Maya — isang babaeng mahigit-kumulang apatnapung taong gulang, at ang kinahantungan ng kanyang mga pagnanais, saloobin, at pagmamasid habang hinihintay ang asawa sa loob ng isang high-class restaurant.
Nagsimula ang kwento sa paglalarawan ng tagpuan. Mula sa imaheng nalikha ng paglalarawang ito ay mabibigyan tayo ng ideya sa pagka elegante at eksklusibo ng lugar na ginagalawan ng mga karakter.
“It was the kind of place where ladies kept their backs straight and their
legs crossed the whole time. Ceramic tiles on the floor, a pattern of snowflakes in
burnt orange and green; sconces on brick walls, silver on linen; at the center of it
all, a wrought iron chandelier.”
Mula sa mga linyang ito’y maaari nating maipalagay na ang mga taong lumalagi rito ay komportable sa buhay at parte ng uring nakakaangat sa lipunan. Makikita natin ang pagtangka ni Maya na lumayo sa nakasanayan upang makibagay sa lugar na ginagalawan (“And so, to show some reverence, she ordered a glass of merlot, instead of her usual iced tea.”) Minabuti niya ring bigyang-pansin lahat ng maliliit na galaw na kanyang ginagawa dahil sa tingin niya’y pinupuna ito ng ibang mga tao sa loob ng kainan (“..but Maya was certain people were watching. It was that kind of place.”
Sa pagmamasid ni Maya ay inilarawan din ang iba pang mga tao at gamit sa loob ng restaurant, na kanyang ikinagalak sapagkat sinasalamin nito ang kanyang hilig sa pag-aayos ng mga bagay-bagay. Ang imahe ng kaayusan na itinayo ni Maya sa kanyang isipan ay nabasag nang makarinig siya ng isang halakhak. Nanggaling ito mula sa lamesa kung saan nakaupo ang isang babaeng may katandaan na, ngunit mukhang maalaga sa katawan sapagkat napanatili ang hubog nito at maayos din ang pananamit (“..the confident laugh of a woman with money to burn or an old witch ready to devour her prey. A well-preserved witch, “) Kasama niya ang isang lalaking nagngangalang ‘Andrei’ na malaki ang ibinata sa kanyang kasama; gwapo ito, maganda ang katawan, at mukhang mapera din (“Maya glanced at the woman’s companion. He was much younger than anyone else in the room.”) Mabilis nitong nabago ang timpla ni Maya; ang kanyang pagsubok na makibagay sa ‘sosyal’ na kapaligiran ay tila natunaw dahil sa kanyang mga tingin na mapanghusga.
Ang matandang babae na hinatulan ni Maya ng titulong ‘witch’ ay tila walang pakialam sa iniisip ng iba, at nabubuhay lamang na galak sa sarili nilang espasyo. Ipinalabas ni Maya na imoral ito sa kanyang paningin, subalit mayroong nagkukubling pagnanais sa kanyang isipan.
Maaaring isipin ng ibang tao na ang ‘kalaban’ ni Maya rito ay ang babaeng tinatawag na ‘witch’, subalit ang tunay talagang kaalitan ni Maya ay ang kanyang sarili. Naging salik lamang ang matandang babaeng ito upang mabuhayan ang pagnanais ng pangunahing karakter na kumawala mula sa kanyang “perpektong buhay” o ibalik ang kislap at galak na naroroon noong siya’y bata pa. Binanggit niya rito ang kanyang asawang si Richie, at ang saya na umiiral noong una nilang pagkikita; ang itsura at pakiramdam ng mga panahong lumipas na. Tila nagkaroon ng midlife crisis si Maya matapos mapagtanto na maaaring hindi lamang sa dami ng pera o ganda ng career nasusukat ang pagka perpekto ng buhay. Ikinubli niya sa likod ng panghuhusga ang kanyang inggit sa kalayaan na mayroon ang ‘witch’ na kanyang tinatawag, dahil ito talaga ang kanyang pinakaninanais.
Maaaring maihalintulad ito sa ugali ng mga tao sa tunay na buhay. Sobrang daming taong nakikialam sa buhay ng iba dahil lamang sa sarili nilang mga insecurities at inggit. Isa itong bagay na nararapat nating mapansin sa ating mga sarili upang mabago para sa ikauunlad natin bilang tao. Kailangan din nating matutunan kung bakit hindi dapat ikinukumpara ang buhay natin sa buhay ng iba, pati na rin ang mga narating ng ibang mga tao sa narating natin. Ipinapakita sa kwentong “Eye Candy” na hindi maganda ang pagpapakain natin nang buhay sa ating mga pagnanais, dahil nakakpagdulot ito ng pagtatanim ng galit sa iba. Hindi natin napapansin na sa pagpintas o pagpuna sa mga taong hindi naman natin kilala ay mas lalo lang natin ibinubunyag sa mundo ang sarili nating mga pagkukulang.