Online Journal Two: Pagsusuri sa Tula ni Carlos Piocos III
Bago ko himayin ang ibig sabihin ng mga salitang bumubuo sa tulang ‘Mga Pangkaraniwang Lungkot’ ni Carlos Piocos III, minabuti ko munang magsaliksik tungkol sa manunulat at sa kanyang ispesipikong paraan ng pagsulat. Nakakapukaw ng atensyon ang bigat at lalim ng mga tema at salitang kanyang ginagamit kaya’t nagiging kapansin-pansin ang lawak at diwa na nilalaman ng kanyang mga akda.
Ang kompilasyon niya ng mga tula ay pinamagatang ‘Corpus’, isang salita na mayroong iba’t ibang kahulugang nakadepende sa larangan kung saan ito ginagamit. Ginagamit ito sa linguistics bilang pangtukoy sa mga koleksyon o kompilasyon ng mga sulatin. Maaari din itong gamitin sa anatomiya, kung saan ang salita ay nagangahulugang ‘katawan’. Maaaring mapag-ugnay ang dalawang ibig sabihin nito sa pamagat ng akda ni Piocos III bilang isang sistema ng mga parte na gumagana o nagkakaroon ng kahulugan pag pinagsama-sama.
Ang unang tula sa kompilasyon ay pinamagatang ‘Mga Pangkaraniwang Lungkot’. Ito ay isinulat sa anyo ng isang meta letter, sapagkat pinadaloy ang tula sa pamamagitan ng iba’t ibang bahagi ng liham. Nagsimula ang tula sa isang pamamaalam, na nakakapagdagdag ng ‘sense of urgency’ sa tono ng akda.
“Pagkatapos mo itong mabasa,
mangyari lamang na ito’y lamukusi’t bilutin
at saka ilublob sa lalim ng ilog nang ito’y matunaw,
magsatubig at umagos.”
Nakakapagbigay ang mga taludtod na ito ng ideya sa mga mambabasa na mayroong itinatagong lihim o kumpidensyal na impormasyon ang persona sa liham na kanyang isinulat kaya’t pinapaligpit niya ito nang maayos. Ang pag-iwan o paglisan niya ng kanyang mga ‘pangkaraniwang lungkot’ kasama ng huling liham na kanyang isusulat ay maaaring makita bilang isang pag-bilin o pagbitaw sa mga esensyal, na madalas ginagawa ng mga tao bago sila mamatay. Ang ideyang ito ay pinapatibay ng mga taludtod na ito mula sa ikaanim na talata:
“Nais kong banggitin na ang aking mga kasama’y naglaho nang lahat,
nilamon ng hamog at usok. Na binubura ng takot,
gutom at tutok ng baril ang buong lungsod.
Na naulol ang historyador sa pagbibilang ng mga lumulutang na katawan.
Na nagnanaknak na langib ang siyudad sa katanghaliang-tapat.
Na umaalingasaw ang lamang-loob ng sementeryo kapag bilog ang buwan.
Na kailangan kong maligo bago matulog upang maalis ang libag, langis
at lumot ng maghapo’t magdamag sa aking balat.”
Ang mga salitang ‘ang aking mga kasama’y naglaho nang lahat’ ‘tutok ng baril ang buong lungsod’ ‘nagnanaknak na langib’ ay isang pahiwatig na ang pangyayaring naganap ay maaaring resulta ng armadong pakikibaka. Pagbibigay-diin sa salitang ‘kasama’ na madalas gamitin ng mga tao sa kilusan.
Sa aking palagay, maaaring mahanap ang anyo ng persona sa kanyang nabanggit na pangkaraniwang lungkot. Nabanggit niya na ang mga bagay na iyon na lamang ang naiwan, na maaaring maihalintulad sa sitwasyon ng persona, sapagkat siya’y mag-isa na lamang. Mayroong ispesipikong kabuluhan sa persona ang mga naiwang materyal na bagay na ito, dahil may malaking papel itong ginagampanan, maaari din itong maging code o symbolismo.
Nabanggit ng persona sa padulong parte na siya’y labis na nag-aalala, subalit hindi niya alam ang sanhi nito. Maaaring nagkakaroon na ng epekto sa kanya ang karumal-dumal na pangyayaring naganap sa lungsod at siya’y nangangamba para sa kanyang buhay.
“Iyon laman naman at nawa’y nasa mabuti kang kalagayan.
Nawa’y naramdaman mo ang nakapapasong halik
na nagtikom sa sobreng ito, bago mamaalam,”
Sa huling bahagi ng liham, binanggit ito ng persona. Naglalaman ang mga katagang ito ng tono ng pangungulila o pag-asam, na makakapagbigay ng ideya na malapit na tao sa persona ang kanyang sinusulatan.
Nabanggit sa ikatlong talata na marahil, sa ganitong paraan naisulat ang kasaysayan. Maaaring ipinapakita ng manunulat na ang ating kasaysayan ay isang kompilasyon ng mga pangyayaring tulad ng ganito, mga kwento at balitang naglalaman ng mga paniniwalang ipinaglalaban, na ipinapasa mula sa isang tao patungo sa isa pa. Kung ito man ang layunin na nais makamit ng tula, masasabi kong mahirap itong intindihin subalit nakamit niya ito. Naipakita ng tula ang iba’t iba uri ng emosyon, ang transisyon nito mula sa simula patungo sa dulo, habang nagpapakita ng realidad na kinailangang harapin ng persona sa tula.